Alaala

Alaala ang dakilang tagagiba ng lahat ng ating pakay. Ang buhay na ating pinapangarap—na siyang pinamamahayan na rin natin minsan—ay maaaring yanigin ng alaala anumang oras. Ang mga lindol na ito ay maaaring sumira sa lahat—kung hahayaan natin.

Paalala ang alaala na hindi mahigpit at hindi kailan man hihigpit ang hawak natin sa mga hinagap ng ating isip. May bukal sa kaibuturan natin na hindi natutuyuan. Hindi tumitigil ang pagbulwak ng tubig mula rito—anuman ang kulay sadiyang hahanapin nito ang makawala. Ang tanging magagawa natin ay manood, magapi—magpagapi—at kung kinakailangan, sumabay sa agos.

Subalit, sa alaala rin bumubulwak ang damdamin ng pagbabago, ng pangarap. May enerhiya itong makapagpapatakbo sa pinakamalaking pakay—hindi lang ng isa kundi ng lahat. Balon itong iniigiban natin ng kahulugan at ng paliwanag sa mga nangyayari sa atin sa kasalukuyan. At ang kahulugan, ang paliwanag na ito ay parating magiging sapat upang piliin natin ang pag-iral—ang sandaling ito.

Alaala ang sunog na tutupok sa pag-aalala at maglilinis ng bukid upang mapagtaniman ulit. Alaala ang lagusan patungo sa mga salita at mga librong niluluwal ng mga ito. Alaala ang sinulid na nagdurugtong pa rin sa atin hanggang ngayon maski hindi tayo nagkikita, maski sinasabi nating nagkalimutan na. Hindi maaaring makalimot ang alaala. Ito ang tangi nitong hindi magagawa. At parati tayong saksi sa patunay nito—ang bigla-bigla nitong pagsulpot.

Other source

Madalas talagang sumusulpot ang ala-ala. Minsan, hindi ko alam kung kaibigan ito o kaaway. May mga bagay na gustong-gusto kong maalala at ayaw kong makalimutan. Pero napakarami rin namang ala-alang gusto ko na sanang ibaon sa limot. Ang sabi ng mga nagaaral ng utak, mga bagong ala-ala lamang daw ang makapapalit sa mga lumang ala-ala. Kaya, upang makalimot, kailangan natin lumabas sa kuwarto, gumawa ng mga bagay, sumama sa mga mahal natin sa buhay at makipagkaibigan sa mundo.

Naisip ko ngayon lang na ang buong pagkatao natin ay binubuo ng mga ala-ala. Tayo ang mga ala-ala natin at ang mga bagay na lumipas at nawala na ang mabubuhay muli dahil sa ala-ala. Parte ng pagiging tao ang pakikipagbuno sa dalawang talas ng espada ng ala-ala. Sa pamamagitan nito nagiging sobrang saya natin pero pwede rin tayong manlumo at magdusa dahil sa ala-ala. Isa sa mga sinasanay ko ngayon ay ang manatili sa kasalukuyan hangga't kaya ko, kung saan ang mga ala-ala ay hindi pa naghahari. Pero, inaamin ko rin na may mga panahong nakapananatili lamang ako sa kasalukuyan dahil sa isang pangyayari sa nakalipas na ubod ng linaw kong naaalala sa kasalukuyan. Kabalintunaan kung iisipin, pero maaari tayong manatili sa kasalukuyan gamit ang ala-ala.

Note

Ang maiksing sanaysay na ito ay sinulat ko kasama si Uwa noong 2024-05-27.

Related