Bago Dumulas ang Araw na Ito
Basa ang berdeng lumot sa harapan ng bahay noong magsimula kaming maglakad. Nilamon na ng lilim ng ligaw na punong tumubo sa bakanteng lote sa labas ng bakod ang katiting na sinag ng araw na nakalulusot sa mga ulap. Dahil sa lilim at sa sunod-sunod na ulan nitong mga nakaraang araw, binalot na ng makapal na lumot ang buong daan sa compound palabas ng gate.
Sa Lantican Avenue, sa gilid at sulok ng matarik na konkretong sidewalk nagkumpulan rin ang mga lumot ilang pulgada lamang ang layo mula sa mga talinum. Wala kaming mahawakan na kahit ano. Kaunting pagkakamali at siguradong dadausdos kami pabalik. Kaya wala kaming magawa kundi bagalan ang pagakyat habang napapalingon paminsan-minsan sa hagdan pababa sa rebulto ni Maria Makiling. Pagdating sa tapat ng Narra Guesthouse, tumapak na ako sa nangingitim nang mga tuyong dahon sa sidewalk na nababad sa magdamag na ulan, habang sinimulan niyang maglakad sa kalsada mismo. Wala pa naman raw sasakyang paparating.
Namuo na ang butil ng pawis sa gilid ng kanang kamay ko sa ibaba ng kalingkingan habang sinusulat ang mga pangalan namin sa papel. Itinala ko ang oras ng pagdating namin—alas nwebe—bago ko inabot ang bayad at isinuko ang ID kapalit ng numerong inukit sa parihabang kahoy. Ihinimpil ko muna ito sa likurang bulsa ng shorts ko kung saan sinimulan nitong sipsipin ang pawis na tumatagos sa naylon.
Sa ikatlong estasyon, nilagyan na ng mas matibay na harang ang dating tiwangwang na gumuhong gilid ng kalsada. Wala nang ibang estasyon bago mag-Agila Base na may bistang matatanaw ang Laguna de Bay, kaya iminungkahi kong tumigil muna kami rito. Hinahapo kaming dalawa ngunit nanatili kaming nakatayo upang titigan ang tubig habang hinuhukay ko sa aking alaala ang pangalan ng malaking isla sa gitna ng lawa. Nang maalala ko na ang Talim, itinuro ko ang naiwang kongkretong harang sa gilid ng kalsada. Dahil tuyo, naupo na muna kami. Binuksan ko ang bag at dinukot ang isang pahinang pinunit ko kagabi mula sa kwaderno. Hiniling kong basahin niya ng malakas ang tulang sinulat ko roon para sa kaniya. Pagdating niya sa huling taludtod, inabot ko ang puting kahong bukas at naglalaman ng singsing na kaytagal kong hinintay dumating. Tulad ng araw na ito. Tulad ng tanong na nagsimulang dumaosdos sa dila ko.
Mula rito sa malayo
ang mga alon sa lawa
parang hindi kumikibo.