Bawat Dahong Namamaalam

Ang dakong ito ng Molawin ay himlayan
ng mga dahong nahuhulog na parang mga payong
mula sa tarangkahan ng langit.

Dumarapo sila sa mabababang halaman,
sa lupang pinaliliguan ng batis,
madalas sa mismong tubigan.

Minsan, tumatabi sila sa mga bunga ng Roystonea regia
na sa malayo'y aakalain mong mga mariposa
pag nilapita'y, mga tuyong dahon lang pala.

Inaawitan ng Molawin ang bawat dahong namamaalam.
Sa ilog na ito, walang bangkang susundo sa kanila,
walang magsasagwan.

Kung saan sila dadalhin ng hangin,
doon sila raratay,
doon sila hihimlay.