Billy Domingo
Kapag dumarating ka, nagsisisigaw ka tungkol kay Hesus—sabay punit ng t-shirt mo. Tangina anong alam mo tungkol kay Hesus?
Mahinahon kung magsalita si Hesus at parati siyang gustong makasama ng lahat, puwera ang iilang mandurugas ng Jerusalem, dahil hindi siya kailan man nanloko, at lahat ng sinabi niya ay nagkatotoo at ginamot niya ang mga maysakit at binigyan niya ng pag-asa ang mga tao.
Nag-aarmalite ang bibig mo pag dumarating ka, ihinahagis mo ang iyong kamao sa hangin habang tinatawag mo kaming mga bobo—napakabangis ng namumuong bula sa gilid ng mga labi mo, tumutulo’t tumatalsik sa bawat birada. Parati mong sinasabing didiretso kami lahat sa impiyerno na para bang nanggaling ka na roon.
Nabasa ko ang mga salita ni Hesus. Alam ko ang mga sinabi niya. Hindi mo ako kailan man masisindak. Alam ko yang modus mo. Alam ko kung gaano mo hindi kilala si Hesus.
Hindi siya kailan man lumapit sa malilinis o maruruming tao pero naramdaman nilang nalinisan sila nung dumating siya. Ang mga tropa mong tagabangko, negosyante, at abogado ang nagbayad kay Hudas at sa mga mamamatay-taong humuli kay Jesus.
Sila rin ang nagbaon ng mga pako sa mga kamay ng Nazareo. Humarap siya sa mga gagong yan—mga sanggano’t manggagantsong nakaharap rin sayo ngayon, tuwang-tuwa sa sermon mo’t mag-aabot ng malaki mamaya.
Itong Hesus na ito ay maayos tignan, mabango, masarap pakinggan. Para siyang humahalimuyak na bulaklak, nagsasaboy ng kagandahan mula sa kaniyang balat at mga kamay tuwing dumaraan siya.
Ikaw, Billy Domingo, grasa kang nag-iiwan ng mantsa sa bawat bulaklak na lumalapit sa inaagnas mong hiningang nagbubuga ng mga apoy ng impyerno kahit na sinisinok ka na sa kakukuwento ng buhay nitong banal na taong nanggaling sa Galilea.
Kelan mo ba titigilan ang mga karpintero? Patayo ka nang patayo sa kanila ng mga ospital para sa mga ginang at neneng na nauulol na sa walang tigil mong pagyayapyap tungkol kay Jesus? Tatanungin ulit kita: Tangina anong alam mo tungkol kay Hesus?
Sige sirain mo lahat ng upuang mahawakan mo. Bumasag ka ng isang trak na mwebles sa bawat sermon mo. Kahit magtatatambling ka pa ng animnapung beses at tumayo sa sira mong ulo. Kung hindi mo tinatakot ang mga babae’t bata, maaawa pa sana ako sa’yo’t ipapasa ang sombrero mo.
Naaaliw ako kapag nanonood ng magaling na payaso, pero hindi kapag nagsususuka na siya’t tumatawag na ng doktor.
Humahanga ako sa taong malakas ang loob at kayang magpakitanggilas sa entablado; pero ikaw—Diyos ko po—isa kang hamak na tindero ng segundamanong ebanghelyo—idinuduldol mo yang mga peke mong kalakal na ginaya mo sa mga turo ni Jesus—mga turong sinabi niyang parating ibabahagi ng walang bayad tulad ng hangin at sinag ng araw.
Minsan napapaisip ako kung anong klaseng mga tuta kaya ang ipinapanganak ng mga palahiang aso sa mundong hindi kasing giting at hindi kasing dakila mo.
Sinasabi mo sa mga taong nakatira sa squatter na aayusin ni Hesus ang lahat at bibigyan sila ng mga mansyon sa langit kapag patay na sila't kinain na ng mga uod.
Sinasabi mo sa mga dalagang bantay ng tindahan na kumikita ng limang-daang piso bawat linggo na wala silang ibang kailangan kundi si Hesus; hinahawakan mo ang mga kamay ng kuwarenta anos na mambabakal, ubanan na’t kulukulubot, mamamatay ng hindi nabuhay, at sinasabi mo sa kaniya na tumitig lamang sa krus at magiging ayos ang lahat.
Sinasabi mo sa mga pobre na hindi nila kailangan ng mas mataas na sahod sa kensenas katapusan, at kahit na napakalupit ng mawalan ng trabaho, aayusin ni Hesus lahat, aayusin niya lahat—kailangan lang nilang maniwala kay Jesus sa paraang itinuro mo sa kanila.
Sinasabi ko sayo, hindi sasangayon ang Hesus na ito sa mga pinagsasasabi mo. Iba si Hesus sayo. Ipinapatay siya ng mga mandurugas na mga tagabangko at abogado ng Herusalem dahil ayaw niyang makipaglaro sa kanila. Hindi siya umupo katabi ng mga milyonaryong magnanakaw.
Ayokong makinig sa pastor na nagpapaulan ng katarantaduhan sa simbahan.
Hindi ako susunod sa taong daldal ng daldal pero hindi kumakayod at walang anumang ala-alang itinatangi bukod sa mukha ni Rizal sa piso.
Halika, ipakita mo sa aking kung saan mo ibinubuhos ang dugo ng iyong buhay.
Nakarating na ako sa arabal ng Herusalem na tinatawag nilang Golgota. Doon nila ipinako si Hesus, at alam ko, kung tama ang kuwento, na totoong dugo ang dumaloy mula sa mga butas ng pako pababa sa kaniyang mga kamay at totoong dugo rin ang pumulandit mula sa pagitan ng kaniyang mga tadyang noong sinibat noong Romanong sundalo itong Hesus na ito na galing Nazareth.
Salin ko ng "Billy Sunday" ni Carl Sandburg.