Dagdagan Niyo ang Dagat
Sumisimangot maski balat ng mga paa ko,
mga daliring hindi na nakakikilala ng putik.
Salukin mo ng kamay ang tubig na 'yang
lulunod, papatay sa'tin.
Dahil wala na,
wala nang saysay ang mga inayos na daan.
Wala nang saysay
ang mga bilog na ilaw na sinusunod.
("Wala nang kailangang sundin.")
Pier na maski ang maliit na batong lulutang
sa dagat na itong walang alon.
Mangingisda na ulit tayong lahat
ng lata, plastik, panis na kanin.
Dahil hindi na ito tagpuan ng mga tao—
tagpuan na ito ng mga dagat, ilog, bambang.
Hulagway na hindi natin kinagisnan.
Nasaan na ang paggalang, papuri?
("Baboy. Mga baboy.")
Hindi ko mabuksan ang payong kong pumikit na
ang mga mata sa ayaw nitong pagmasdan.
Kailangan nang baguhin ang mapa nitong kahihiyan!
Bawasan niyo ang lupa!
Dagdagan niyo ang dagat!
Itong Fernandez, dagat!
Perez, dagat!
Arellano, dagat!
Ilipat niyo na rito ang Tondaligan!
Ito na mismo ang baywalk.
Anurin na sana 'tong mga sasakyan
at tawagin niyo na ang mga balsa, bangka, bapor.
Tawagin niyo na ang mga lolo, lola, mga bata
at pasakayin na sila muli sa balangay.
Buksan niyo na ang layag at ituro ang hilaga.
At tayo na! Tayo na't iwanan ang pananalaulang ito.
("Ama-Gaolay,
buhayin nawa ulit ang dugo naming mandaragat.")