Kaibigan

Magtataka pa ba tayong nasa gitna ng kaibigan ang "ibig"? Ibig na pinaguugatan rin ng pag-ibig. Pag-ibig ang sandalan ng pagkakaibigan. Kaya naman nagsisimula ito at nakararating kung saan dalhin ng pag-ibig. Kapag natatapos ito, maaaring sabihing nawala na ang pag-ibig sa pagitan ng dalawa.

Subalit hindi natin madalas binibigkas ang salitang ito na may ganitong bigat. Ipinapamudmod natin ang pangalang ito kung kani-kanino—minsan maski sa mga bagong kakilala. Marahil, ang kaibigan ay ekspresyon rin ng pagnanais natin ng pag-ibig—at minsan ng pagkasaid natin nito at ang pagkasabik na muli tayong mapuno nito.

Sa isang kalawakang halos wala tayong pinipili, ang kaibigan ay isang taong pinili natin. Nagiging mas mabuti tayo kaysa normal kapag nasa paligid natin siya. Ang pakay ay mabihag natin siya ng ating pag-ibig. At hindi ito madali dahil pinipili rin niya tayo at minsan hindi nagkakasabay ang pagpiling ito. Parang sayaw na nauuna ang mga paa ng isa at nahuhuli ang kasama niya. Kaya may puwang para sa pagkakataon, para sa swerte na pumasok at payabungin o sirain ang nasimulang koneksyon.

Isang mahirap na bokasyon ang pagpapanatili sa pagkakaibigan—dahil isang mahirap na bokasyon ang pag-ibig. Subalit, banal na hangarin at gawain ang paghahanap at pagpapanatili ng pagkakaibigan dahil ito ang simula at minsan ang dulo ng ambisyong ibigin ang buong mundo. Ang kaibigan ay mikrokosmo ng buong mundo—ang umibig sa isa ay tuntungang nagpapakita sa posibilidad na ibigin ang lahat. At minsan ang pag-ibig na naigib at naipadaloy sa isa ay sapat na upang ang tunay na pag-ibig ay dumaloy sa lahat.