Kay Hele
Sa mga gabing maramot ang idlip,
pusikit ang langit at halos walang bituin,
mga gabing hinihila kami
ng mga agam-agam at balisa
tungo sa hindi pagpapahinga,
ikaw
ang oyaying ipinadala upang umalo,
ang awit na magpapatahan
sa aming mga hikbi
ang himig na sa wakas
sa wakas
uugoy sa amin
sa pinakamalalim
sa pinaka-aasam
na himbing.