La Carlota
Bagong taon, bagong pagasa
Tahimik na ang kampana
Dagat ang lumamon sa bata
Alon ang kumuha sa ina
Tanghaling tapat sa dalampasigan
Nahugasan na ang mga pinggan
Maliliit na yapak sa buhanginan
Pabulong na panalangin sa lumisan
Mainit na sumisikat ang araw
Paslit ay nagtatampisaw
Hawak ang bolang bughaw
Naglalaro sa mababaw
Umihip ang hanging malakas
Larua'y kinuha paitaas
Munting mga daliri nakataas
Nitong musmos na pantas
Nahulog ang bilog sa malayo
Ang bata'y nagsimulang tumakbo
Buhangi't tubig naglaro
Hanggang matatapaka'y naglaho
Walang sigaw na narinig
Napipi na ang kaniyang bibig
Tanging kumunoy sa may tubig
Ang natanaw ng umiibig
Bugso ng takot at pangamba
Ang pumaso sa mga paa
Mabilis ang karipas ng ina
Sa naghihingalong bata
Walang bantay sa paligid
Mag-isa siyang sumisid
Mga paa niyay namanhid
Ang dagat ay ganid
Pinilit niyang umahon
Papatay na ang mga alon
Nalalagas na mga dahon
Sa palibot ng kahon
Hawak niya ang mga kamay
Nitong malamig nang bangkay
Ng anak niyang hihimlay
Sa tubig na bahay
Kapos na siya sa hininga
Ngunit yakap-yakap parin niya
Ang una’t huli niyang ligaya
Kasama niyang papayapa
Nakatitig siya sa langit
Habang nalalasahan ang pait
Nitong dagat na nangagalit
Sa ilalim siya ipipiit
At sa kaniyang paglubog
Patungo sa mahabang pagtulog
Lahat ng ulap ay nahulog
Ang langit ay kumulog
Bagong taon, bagong pagasa
Tahimik na ang kalsada
Dagat ang lumamon sa bata
Alon ang kumuha sa ina