Makata, Kapatid

Humahanga ako sa'yo—
sa patuloy mong pagtula kahit
hinahanap mo pa ang mga katagang
bubuo sa susunod mong taludtod,
kahit garalgal pa ang boses na bibigkas
sa mga ito, kahit wala pang palihang
naniniwalang karapat-dapat silang hulmahin,
kahit wala pang magasin o dyaryo
o librong tatahanan ng iyong mga pakiwari,
kahit mailap ang mga patimpalak
na gagawad sa pagkilalang
parati mong inaasam.

Ako
ang iyong mambabasa
ang iyong patimpalak,
ang iyong parangal.

At hindi ang rikit ni ang sipag ang
hinahanap ko, hindi ako uhaw
sa iyong pangalan o sa iyong tindig.
Uhaw ako sa mga lihim
na sa iyong isip, sa iyong puso lamang
ipinagkaloob ng sansinukob.

Hindi ko kailangan ang iyong balong.
Sapat na ang iyong bulwak.