Melatonin

Hindi nanaman nakatulog kagabi. Kumpara noong isang gabi, mahaba-haba naman itong huling tulog ko. Pero hirap paring makatulog at alas dos na noong nawalan ako ng ulirat. Hindi parating epektibo ang melatonin at mahirap magtiwala dito. Baka malulong. Tinitigan ko ang listahan ng mga kailangang gawin ngayong araw—magpasa ng mga tula sa Mountain Beacon, maghanda para sa Nilay, dumalo sa Nilay, maglakad, manood, magbasa. Andaming mag-. Napatingin ako sa salamin. Napansin kong nadagdagan nanaman pala ang puting buhok ko sa balbas. Nainis kaunti sa paalalang hindi na ako bumabata.

Naghahabulan ang dalawang maya
sa labas ng bintana.
Nang tumigil ang isa,
tumigil rin ang kasama.