Naglalakad sa Baguio ng Gabi
Alas nwebe ng gabi. Linggo. Hindi umuusad ang linya ng mga sasakyang papasok at palabas ng Baguio. Galing ako sa isang salu-salo kasama ang pinsan ko at dalawang classmates niya sa med school. Dahil wala akong masakyan, ginawa ko ang ginagawa ng mga taga-Baguio tuwing usad pagong ang traffic: maglakad.
Naglakad ako mula sa Korean restaurant na ilang hakbang lamang ang layo mula sa BGH pababa ng Kisad at patungong Burnham. Sa kanan ko ay ang Pine Trees of the World na sa oras na ito ay nabalot na ng dilim. Sa kaliwa naman ay mga naglalakihang gusaling nagsisulputan na sa kalsadang ito. Natanaw ko ang isang mamang naka-long sleeves at slacks, nakatayo sa isa sa mga veranda ng isang napakatayog na paupahan.
Mailaw naman na sa Kisad pero sumunod parin ako sa isang grupo ng mga bakasyonistang naglalakad rin. Tumigil sila sa intersection ng Kisad at Jose Abad Santos drive. Iniwan ko na sila at nagpatuloy ako sa paglalakad papuntang Burnham.
Matagal narin nung huli kong makita ang Night Market. Ang mga bagay na matagal nang di nasusubukan ay nagbibigay sakin ng matabang imahinasyon kapag sinusubukan ko sila uli. Parang nawawasak ang mga neural connections ko sa utak - nababasag ang monotony na dulot ng araw-araw na paulit-ulit na gawain. Kaya heto ako, naglalakad papuntang Night Market kahit wala naman akong gustong bilhin.
Bumagal ang aking mga hakbang habang papalapit sa Harrison. Pagdating ko sa intersection ng Jose Abad Santos at Harrison, nakita ko ang ilang taong nakapila sa isang tindera ng sisig. Nagsasandok ng kanin ang ale na inilalagay niya sa mga container na yari sa matigas na papel.
Masikip sa gitna ng pansamantalang tindahan kaya sa sidewalk ako nagpatuloy maglakad. Napuno ang Night Market ng mga taong naghahanap ng trenta pesos na t-shirt or kuwarenta pesos na jogging pants. Tumaas na ang mga presyo ng jacket at blouse. Nadamay ba sila sa pagtaas ng presyo ng sayote?
"Punta tayo sa Diplomat Hotel! Takot ba kayo? Marami naman tayo!” narinig kong anyaya ng isang babae sa kaniyang mga kasama habang yakap-yakap ang kamay ng boypren niya.
Nakipagpatintero pako ng kaunti sa mga tao tsaka tumawid sa footbridge na nagdurogtong sa Igorot Park at Tiongsan. Alas diyes na at may isang kilometro pakong lalakarin.