Nakita Ko Ang Makiling

Nakita ko ang Makiling, ang kakarampot nitong hubog sa labas ng aking bintana na dahan-dahang lumilitaw mula sa pagkakabalot nito sa ulap. Inuulan kami ngayong umaga. Inuulan ang Makiling ngayong umaga. Maglilimang taon na ako rito subalit hindi ko pa naaakayat ang tuktok ng bundok na ito. Kaya parang parati ring binabalot ito ng ulap sa isipan ko. Ano kaya ang naroon sa tuktok? Ano ang silbi ng bundok at ng panginorin ng lawa kundi ang ipaalala sa atin ang mga landas na hindi pa natin nararating, mga bulaos na hindi pa nalalakaran, mga islang hindi pa naaabot? Hindi ba't ito ang dahilan kung bakit binabalot ang mga ito ng misteryo't kabanalan? Natatakot ako na baka kapag inakyat ko na ang Makiling tuluyan nang maglaho ang saysay nito sa akin.