Pagiisa

Pagiisa ang puno't dulo ng pagiral—ang simula at hantungan ng buhay. Gaano man katotoo ang pagibig, gaano man karami ang umiibig sa isa, darating at aalis siya sa loob ng kaniyang katawan. Mistulang kabalintunaan ang lahat dahil ang isa ay nakapagiisa subalit nakikiisa rin. Lumiliit, lumalawak itong sakop ng ating pagkatao batay sa hinihingi ng panahon. Dahil hindi tayo maaaring pumirme sa iisang teritoryo. Malawak, malayo, masukal ang kalawakan at gaano man kaiksi ang buhay, malayo pa rin ang lakarin. Maraming mangyayari. Ang pagiisa ay pagpigil sa pagpapatuloy ng lakbay dahil kailangang bumalik sa mapa, kailangang bumalik sa kompas, kailangang tumingala sa langit at magbasa ng mga bituin upang malaman kung naglalakad ba tayo sa tamang landas. Sa mga panahong ito na lumalayo muna tayo sa karabana, sinusubukan nating marinig ang pagkakaisa rin ng awit ng ating puso at ang awit ng buong kalawakan. Minsan sumisintunado tayo, pero mas madalas naghahanap lang talaga tayo ng ibang awitin. At kabalintunaan ulit: minsan ang natatagpuan nating awitin—dahil totoong totoo ito sa atin—ang siya ring magbabalik sa atin sa karabana, sa mas malaki at mas mahabang awit na nagdadala sa ating lahat sa susunod na bukal o ilog o pahingahan.