Pagpapatawad

Pagpapatawad ang pino't manipis na telang namamagitan sa kapayapaan at karahasan. Dito nagsisimula ang posibilidad ng pagpapatuloy. Ang kawalan nito ay pagguho ng pagmamahalan. Sa mahabang listahan ng mga kasalanan, pagpapatawad ang pambura—o ang apoy na susunog na mismo sa listahan.

Mahirap unawain ang pagpili sa pagpapatawad. Minsan para bang kasalanan ito mismo sa harapan ng mga nagmamatyag. Para bang may mga bagay na hindi karapat-dapat burain at nangangailangan ng karampatang parusang karahasan rin. Subalit, sino tayo upang itakda ang hangganan ng pag-ibig? Kung ito ang kayang maabot ng kanilang puso, bakit natin sila pipigilan?

Sa dulo, lahat tayo ay maaring maging tagatanggap ng kapatawaran. Sino sa atin ang hindi mangangailangan nito? Araw-araw tayong nagkakamali kung hindi man sa kapwa ay sa kalikasan. Minsan, ang pinakanaaapektuhan ng ating mga pagkakamali ay walang mga mukha. Wala silang alam sa ating nagawa. Upang makapagpatuloy, kailangan nating patawarin ang ating mga sarili.

Wala na atang pinakahigit na ekspresyon ng pag-ibig kundi pagpapatawad. Wala na atang pinakamahirap na gawin kundi pagpapatawad. Wala nang pinakamatapang na hangarin kundi pagpapatawad.