Pagsusulat ang aking jiyū shūkyō
Ito na ang aking jiyū shūkyō. Ang pagsusulat, ang mismong akto nito, ay hindi lamang isang nagsasariling pakay. Oo, mag-isa ako ngayon sa loob ng kwartong ito. Mag-isang nakakarinig sa mahinang ugong ng bentilador. Mag-isang nakakaamoy sa malabulaklak na samyo ng kandilang umaandap-andap sa loob ng tinong garapon. Pero, ang lahat ng ito, pati na ri ang papel at ang bolpen na pinapanood kong gumagalaw sa ibabaw nito at lalong higit ang mga salitang ginagamit ko ngayon upang magsulat—lahat ng ito ay naririto hindi dahil sa akin kundi dahil sa iba. Silang lahat na aking kapwa—kapwa humihinga sa hindi. At nakapagsusulat lamang ako dahil sa isang pamayanang nagkakaintindihan, natural na nagkakaroon ng wika na patuloy na yumayabong, gumagalaw, kumikilos, nagbabago. At ang lahat ng ito—kasama ako bilang manunulat—ay narito sa sansinukob na hindi natin lubusang malaman kung saan galing at saan papunta. Narito tayo, mga pasahero sa pagkalaki-laking tren na nang magising ay nasa loob na nito at hindi natin maalala kung paano tayo napadpad doon.
Wala akong ibang maisip na mas makabuluhan pang gamit ng oras ko, kapag nakapalibot ang mga daliri ko sa panulat, kundi ang parating pagbabalik sa mga misteryong ito at pagpapanatili sa pagkamangha, pagkahumaling, at higit sa lahat pananampalataya sa pangsansinukubang nagtutulungang pamayanang ito.
Sigurado na ako na magsusulat ako. At bagaman pangalawa lamang ito sa pagnanais kong maging pinakamabuting tao na maaari kong maging, ang pagsususlat ay malapit na malapit sa adhikaing iyon at maaari pa ngang maging ang pangunahin kong sasakyan patungo roon.