Pakikinig
Ang pakikinig ay pagpapatuloy ng aking mga kaisipan sa mga kaisipan ng iba. Hindi kailangang bago ang dapat kong marinig. Malamang sa malamang narinig ko na ito noon—naisip ko na. Ngunit, hindi sa boses ng kasalukuyang nagsasalita. Pakikinig ang paglilipat natin ng ating kamalayan sa iba—ang paghiram natin ng antipara ng ating kapwa upang mas tignan ng malapitan ang isang penomena.
Hindi madali ang pakikinig dahil hindi madaling sukuan ang marubdob na boses ng kapwa—lalo na kung nagsasalita siya ng katotohanan at naging malinaw na nagkamali tayo. Dahil sa kahihiyan, nilulunod natin ang boses na pinaka kailangan nating marinig sa oras na iyon. Pakikinig ang tanging makaliligtas sa atin mula sa ating sariling kapalaluhan. Hindi madali subalit kailangang mangyari. At napakamapagbigay nito na maski ang napakaliit na pagkukusang tumahimik kahit saglit upang marinig ang boses—lalo na yaong hindi madalas marinig—ay sapat na upang mabuksan ang ating mga mata at makita na pagkatagal-tagal na pala natin sa loob ng kweba at pagkatagal-tagal na rin pala tayong tinatawag ng boses sa likod ng silahis ng araw na lumabas—lumabas at tikman ang matamis na paghahalo ng hamog at bagong tubong damo.