Pananalig

Wala rito ang sistematiko, maayos, at masalimuot na istruktura ng pananampalataya. Hindi rin ito ang payak at sekular na tunog ng pagtitiwala. Pagkapit ito kapwa sa lipunang nakalimutan na ang banal at sa banal na nasa lahat ng bagay—ngunit hindi maarok. Pagsandal ito ng aking mahinang katawan at kaluluwa sa mas matibay at makapangyarihang masisilungan. Pagkilala ito ng aking kakapusan bilang tao. Pagkilala ito sa dulo ng aking mga pakay, ng aking mga proposisyon. At paghandusay na sa sahig ng buong mundo—ng buong kalawakan.

Kung gayon, pagpapaubaya rin ito sa iba. At ang iba rito ay hindi lamang kapwa-tao, kundi kapwa-umiiral. Lahat sila'y maaaring pumuno sa'king kakapusan sa paraang pinupuno ko rin ang kanilang kakapusan.

Subalit hindi ito kailan man pasibo. Ang pananalig ay aktibo at dinamikong pagpili. Maski itong pagtigil, kusang pagpili ito ng pagtigil. At dahil pagtigil ito, pagpapakumbaba ito. Pagpapahinga. Pagbabalik doon sa pinagmulan ng lahat ng hangarin—ang kawalan na matagal nang hinala ng mga ninuno natin at ng mga ninuno ng maraming tao sa buong mundo ay nananahan sa ilalim ng ating tiyan. Ito ang hantungan ng bawat paghinga palabas at ang pinagsisimulan ng bawat hinga paloob. Dito sa hininga nagsisimula, nagtatapos, at muling sumisibol ang pananalig.