Paninindigan
Madalas wala tayo nito dahil kasisimula pa lang ng ating paglalakbay. O matagal na tayong naglalakbay subalit wala tayong masumpungang mapagpapahingahan. Oo, ang pagtindig ay pagpapahinga sa malawak na disyerto ng pagaalinlangan. Itinapon tayo sa disyertong ito na walang anumang instruksyon. At hindi natin pinili ang pagkakatapong ito. Bawat kurbada ng alikabok na hinahangin, bawat yapak na gumuguho sa dinaraanan, nagbabaon sa ating mga paa, ay humihingi ng pagtigil, ng pagtayo, ng pagtindig. Araw-araw itong tungkulin. Subalit hindi madali ang pagtindig at hindi lahat maaring gawin ito. Kung parati natin itong aalalahanin, siguro mas magiging mabait tayo sa kanilang hindi pa kayang tumigil, tumayo, tumindig. Ngayon, sa sandaling ito, ang buhay ang siyang namumuhay sa atin. Ang buhay ay ipo-ipo sa disyertong hindi maabutan, hindi mahagkan. Bibihira ang may paninindigan dahil bibihira ang kalinawan. Marahil, hindi ang pagtindig ang kailangan ng marami sa atin kundi ang panandaliang pagsilong sa mga bagay, mga pananaw, mga tao, mga kapwa umiiral na sa tagal na natin sa pagitan ng kahapon at bukas ay alam natin sa kaibuturan ng ating puso—sigurado tayo—na mahalaga sila. Na may halaga ang sumandal sa kanila. At siguro sa pagsandal na iyon, gaano man kabilis, matitikman natin ang lasa ng pagtindig. At siguro sapat na iyong kumimbense sa ating manalig na posible ang magkaroon ng paninindigan—maski sa paglalakbay na guguho rito sa katapusan.