Takipsilim sa Tondaligan
Alas kwatro nang umalis kami ng bahay. Si Papa ang nagdrive sa pulang Toyota Vios. Pagkaraan ng tahimik na isang oras at mahigit, nakarating kami sa Tondaligan Beach. Pumarada kami sa paradahan pagkatawid mula sa Matutina's a paborito kong seafood restaurant. Dahil pareho kaming naiihi ni Papa, pumila muna kami sa kasilyas na may anim na pisong bayad bawat ihi. Pagkatapos, sinundan na namin si Mama na maglakad papunta sa buhanginan sa gitna ng mga tindero't tindera ng samu't saring pagkain.
Maya maya may naghagis ng hugis bolang salbabidang tumigil sa paanan ko. Nagulat ako nang makita sa harapan ko ang isang paslit na napapangiti ngunit nahihiya. Kinuha ko ang bola at marahang pinagulong ito pabalik sa kaniya. Patuloy lang siya sa pagngiti habang pinupulot ang bola at itinataas ito habang naglalakad siya papunta sa tubig.
Gusto ko lang makita ang dagat dahil matagal na ang huli kong punta rito. Wala akong planong maligo subalit habang pinagmamasdan ko ang ningning ng tilamsik ng tubig sa palibot ng batang naghahagis ng bola paitaas na siya namang bumabagsak sa mga along lumalaki bago bumura at tuluyang naglalaho aking paanan, nakaramdam ako ng kaunting kirot sa aking puso. Sana pala nagdala ako ng tuwalya't pamalit.