Tulad Nitong Mga Tagak
I
Kinakausap ko siya ngunit
hindi siya sumasagot.
Sa ibang anak, nagsasalita naman siya.
Ano’ng mali ang nagawa ko?
Binigay niya ang buhay na ’to.
Hindi ko ‘to ginusto.
At hinihiling niyang parangalan ko siya
na tila nakadepende ang buhay ko rito.
Pinapakain niya ‘ko,
sinusustento.
At tingin niya okay na ‘yon.
Pero
ang kailangan ko ay makikinig
sa aking mga
pangarap,
saloobin,
tula.
II
Hayaan mong lumipad
sama-sama
tulad nitong mga tagak
na nasalubong mo sa ‘yong paglalakad
ang ‘yong mga hinanakit sa kaniya.
Hindi ka niya kinakausap?
Hindi ka rin naman kinakausap
ng mga puno
ngunit
hindi ka kalian man nainis.
Kung tahimik siya tuwing
nilalahad mo ang ‘yong nararamdaman,
masdan mo ang mga ulap.
Parati silang tahimik
ngunit
kalian man,
hindi ka nagdalawang-isip
na mahal ka nila.
Ang pag-ibig
minsan maingay
minsan tahimik
minsan malamig
minsan mainit
ngunit
ang pag-ibig
hindi kalian man nauubos.
Sa susunod na matagpuan mo
ang ‘yong sarili na
nagagalit,
naiinis,
nalulungkot,
dahil hindi ka niya kinakausap,
alalahanin mo ang mga salita
ng namaalam nang makata:
“Sino ka man, gaano ka man kalungkot,
inihahandog ng buong mundo ang sarili nito sa ‘yong haraya,
tinatawag ka tulad ng mga ligaw na gansa, magarlgal at nakapupukaw—
paulit-ulit na inihahayag ang ‘yong lugar
sa napakalawak na mag-anak ng mga nilikha.”
Naisulat noong 2020-05-06.