Walang Ibang Landas Pabalik

Tula ang bulaos na nagbabalik sa'tin sa isa't-isa.
Makata ang unang peregrinong naghawan nito.

Tula ang matayog na mga puno ng agoo.
Makata ang puting lasong itinatali sa kanila.

Tula ang paru-parong naligaw sa daan.
Makata ang balat na siya nitong dinadampian.

Tula ang mga aninong nilililok ng sinag ng araw.
Makata ang rabaw ng ilog kung saan sila nananalamin.

Tula ang sinulid at kawit na naghihintay sa isda.
Makata ang mga kamay na humahatak kapag bumigat na.

Tula ang sigaw na umaalingawngaw sa mga bundok.
Makata ang mga banging tinatalbugan nito.

Tula ang buntong-hininga habang inaakyat ang talampas.
Makata ang dadatnang tanawing nagpapatigil sa lahat.

Tula ang tanging nagdurugtong sa'ting dalawa.
Walang ibang landas pabalik kundi sa pagiging makata.