Ambrosia

Nilamon na ng arnibal
na nilunuran ng piyas
ang asim na dating nanunuot
idinidildil sa asin
nang mabawasan man lang.

Sa Santa Maria
malamang namumulaklak pa rin
ang matandang puno
sa tabi ng kubo
na pinipitasan ni Mama
tuwing magsisinigang ng bangus
pamalit mangga ni ate
kapag may ginisang agamang
at minsang sinugatan
ng kalawit ng kapit-bahay
na palihim na pumipitas
mula sa maliit na bintana ng kamarin
habang kami
pigil na pigil ang tawa
ngumingisi
iniiwasang maapakan
ang malutong na mga dahon
at naninilaw na mga bungang
nagpatihulog nagkumpulan
sa paanan
ng tapat na kaibigan.