Ang Hindi Dapat Pamarisan
Hindi kailan man nasubukang matulog
sa loob ng pinagtagpitagping yerong ipinako
sa inaanay nang mga tabla.
Hindi iniwan ng tatay o nanay at
naiwan sa tiyuhing tumatabi sa banig sa gabi.
Hindi kailangang maglako ng mani
sa lansangan noong pitong taong gulang lang siya.
Hindi kailangang lumiban sa klase
dahil walang pamasahe o kumakalam ang sikmura.
Hindi kailangang tumambay sa mga kanto
maglakad sa madidilim na lansangan
ng mabangis na lungsod.
Kaya madali siyang nakapag-oo sa berdugo
at madaling pumikit ang mga mata
nang sinimulan ni Satanas ang malawakang
pagbabaklas.
Hindi niya kailangang mangialam.
Hindi niya kailangang tumaghoy.
Hindi niya kailangang makaramdam.
Siya ang hindi dapat pamarisan.