Makahiya
Hindi mo kailangang parating nakabukad para sa mundo. Hindi rin kailangang parating nagpaparamdam. Ok lang maging matinik. Ok lang tumikom kapag napapagod. Nagtataboy sa mga daliri na nais manghimasok sa iyong kalooban. Ok lang walang sikat na kakilala o grupong kinaaaniban. Ang ili, ang abung, ang tahanan ay nasa loob at nasa labas. Naroon kung nasaan man ang katahimikan at katotohanan. Hindi kailangangang magpapansin. Hindi ka parola. Waiting shed ka sa pagitan ng Los Baños at San Pablo, sisilungan sa tanghali upang makapagpahinga mula sa tirik ng araw. Hindi ka lumaki sa pamilya ng mga manunulat o mga alagad ng sining. Ikaw ang unang manunulat sa angkan ng mga nars at doktor. Ok lang kung hindi mo alam ang ginagawa mo. Malayo pa ang kailangang lakbayin. Subalit malayo ka na rin mula sayong pinanggalingan.