Sa Pinto ng Pebrero
Malakas ang hampas ng hangin sa labas.
Humihikab na ang mga dinuduyang dahon ng saging.
Ang kurtinang ilang beses ko nang itinali
ilang beses na ring bumukadkad.
Bilang na ang mga araw bago ang Marso
at namamaalam na ang umaaliw na lamig.
Mayamaya,
huhubarin na ng puno ng sineguelas ang bestida nito
at sisimulan na niya ang mahabang paghihintay
sa pagusbong ng unang bulaklak.
Sa tabi ng abong mga ugat nito,
hindi na kumikibo ang mga damo
at dahandahan nang gumagapang ang taginit
sa namimitak na lupa,
sa lumalapad na pader ng bahay,
sa umiinit na bintana,
sa namamawis kong balat na maghihintay
sa balat mo
hanggang sa pagbabalik ng lamig.