Abiik
Noong ika-16 ng Pebrero 2016, si Vincent Navarro, pinakamaningning na tala ng Baguio art world, ay pumanaw. Dalawampu't-tatlong taong gulang lamang siya.
Mga pasilyo
ang bahay natin ng pagsamba
mga ngiti, tango
ang ritwal na nagdurugtong sa atin.
Wala tayong alam
kundi pangalan ng isa't-isa.
Salamin, altar, pangungumpisal ito
ng bawat kaluluwa.
Dibuho ako ng ikaw na hindi ikaw
at ng ako
na hindi kailan man
magiging ako.
Mga dinurog na butil ng kape
ang liturhiya mo ng Kordilyera
mga mukha ng mga magsasaka
ang mga imaheng yuyukuran namin.
At sa susunod na makasalubong ka
hindi doon kundi dito
sa bawat mukhang lumulutang
ngingiti pa rin, tatango, bago muling maglalaho.