Ako
Saan ako nanggaling
bago ako umupo
sa marmol na upuang
natatalsikan ng maliliit
na butil ng ulang
bumubuhos.
Umakyat ng ligaw
si Bernabe kay Eleanor
upang
mailuwal ako't
maupo
sa marmol na balustre.
Ginawang bayan ang San Jacinto
galing sa Pozzorubio
upang tirhan ni Eleanor
na siyang nagluwal sa akin
upang maupo
sa marmol na balustre't
matalsikan ng maliliit
na butil ng ulan.
Naging probinsya ang Pangasinan
upang maging bayan ang
San Jacinto kung saan
lalaki ang unico ijo ni
Bernabe na siyang
mauupo sa marmol na balustre't
matatalsikan ng maliliit na
butil ng ulang
dahan-dahang bubuhos.
Sinakop ang Pilipinas
ng mga kastila upang
maging probinsya ang Pangasinan
at maging bayan ang San Jacinto
na siyang lalakaran ng anak
ni Eleanor at Bernabe bago siya
mauupo sa marmol na balustre't
matatalsikan ng maliliit na butil ng
ulang dahan-dahang bubuhos
mula sa madilim na kalangitan.
Nilikha ang mundo
at mga kastila upang
may sumakop sa Pilipinas
at maging probinsya ang Pangasinan
at maging bayan ang San Jacinto
na ituturing na tahanan ng
tagapagmana ni Bernabe
na ngayo'y nakaupo
sa marmol na balustre't
natatalsikan ng maliliit na butil
ng ulang
dahan-dahang bumubuhos
mula sa madilim na kalangitang
nagtatanong kung saan ba
nanggaling ang lahat,
kung saan nagsimula,
at ang nangyari,
at saan tayo patungo.