Christmas Day 2025
Kagabi pinilit kong umuwi ng Los Baños galing Calamba pagkatapos ng Christmas celebration. Sa terminal sa crossing, kukurba na sa dalawang sulok ng terminal ang pila ng mga naghihintay ng jeep galing Los Baños. ang katotohanan: bibihira na ang jeep ganitong oras kapag hindi Pasko, paano pa kaya ngayong kakaunti ang bumyahe?
Naglakad ako papuntang SM sa terminal nito. Paalis na ang huling ejeep sa bus terminal biyaheng Biñan at puno. Itutuloy ko na sana ang lakad pabalik ng Halang kung saan ko iniwan ang mga kasama kanina—ang plano ay doon maghintay ng mga bus biyaheng Sta. Cruz—nang makita kong pumarada ang isang jeep sa tapat ng pasukan ng terminal. Biyaheng Sta. Cruz pero collorum at palangoy dahil hindi pumila sa crossing. Alam kong makasasakay ako pero tinanong ko pa rin sa drayber kung pwedeng sumakay ang LB lang. Sumagot siya at ang aleng katabi niya na oo sige pasok raw.
Nagsimula siyang dumaldal pagkaupo't-pagkaupo ko sa likuran niya mismo. Ayusin po natin ang upo. Huwag po kayong magagalit. Parepareho po tayong pagod. Hindi na sana kami babyahe pero alam naming wala kayong masasakyan pauwi. Mga matatapang kayo't gusto lang makauwa at gabi na.
Dalawa na lang at aalis na. Iaabot ko na sana ang pamasahe ko nang biglang may magkasamang pumasok na ng jeep pero hindi makaupo. Teka nga. Pumasok siya sa gitna ng dalawang upuan sa harapan upang makarating sa sakayang ng mga pasahero. Inayos niya ang upo naming mga pasahero. Sumunod kami lahat dahil patuloy niyang pinagdiriinan ang pagnanasa naming makauwi na. Lumarga na kami agad nang makaupo na ang dalawang huling pasahero.
Noong magsimulang magabutan ng mga pamasahe, iniabot ko na rin ang akin. Hindi malayo sa tapat ko, may aleng nagabot ng pamasaheng may kasamang ID. Dalawang regular po at isang PWD. Hindi ko po kailangan ang ID, sabi niya pagkatanggap ng pera. Ibinalik niya ang ID sa aleng nagabot nito. Para makita niyo lang po, sagot ng pasahero. Galit po ba kayo? Tanong niya. Hindi po. Pinakita ko lang.
Sa mahigit tatlong dekada ko nang sumasakay sa jeep, ngayon lang ata ako nakakita ng nagpakita ng PWD ID sa jeep. Sa bus, hinahanap ito madalas—lahat ng uri ng may diskuwento, hindi makakukuha nito kung walang ID. Pero sa jeep, kung saan mas ? at "intimate" ang paraan ng pakikisama, sapat na ang visuals—uniporme, uban at kulubot sa balat, crutches o sunglasses. Madalas nga rin kahit walang visuals. They take your word for it.
Dahil sa palitan ng mga salita, napatingin ang marami sa amin sa aleng nagabot ng PWD ID ng kaniyang anak na nasa gitna nilang magasawa. May developmental disability ang batang tantsya ko ay pito hanggang siyam taong gulang lamang. Ang kutob ko, ilang beses nang nakaranas ng samu't-saring diskriminasyon ang bata at maging ng mga magulang habang gumagamit ng pampublikong transportasyon, kaya mahalaga sa isip niya na ipakita ang ID ng anak. Pwede ring hindi sila madalas sumasakay ng jeep kaya hindi pamilyar sa kalakaran sa loob. Hindi ito alam ng konduktora, pero ang alam niya, insulto ang pagaabot ng ID dahil bilang maralitang araw-araw ding dumaranas ng sarili nilang anyo ng diskriminasyon, inaasahan niyang alam ng mga sumasakay sa kaniya na naiinsulto siya at hindi niya kailangang ng anumang patunay ng katayuan ng mga sumasakay sa kaniya.
Sa totoo lang, akala ko magsasagutan ang dalawang aleng kitang-kitang nagkaroon ng mahahabang mga araw. Subalit pareho silang nagpigil, lalo na ang nanay ng batang may kapansanan. Ang mga sumunod na pangyayari ay hindi ko inaasahan.
Ganito na ang po, nagsimulang magsalita ulit ang konduktora. Hindi ko na po sisingilin ang PWD. Libre na po siya. Kayong dalawang magasawa na lamang po ang kukunin ko ang bayad. Pagkabilang niya sa pera, inabot niya ito sa ginang. Alam niyo po, masuwerteng-maswerte kayo sa anak niyo. Kami nga nitong asawa ko wala nang anak kasama sa bahay. Puro nagsilakihan na. Ibibigay ko lahat magkaroon uli ng bata sa bahay.
Hindi nagpasalamat ang ginang. Tahimik lang siyang nakinig buong biyahe. Tulad namin. Tahimik lang ding nakinig habang kinukwento ng konduktora kung paanong araw-araw nanlilibre siya ng mga estudyante at PWD (pero hindi ng mga seniors kasi masusungit raw sila).
Nang dumaan kami sa Petron upang magpagasolina, nagbigay siya ng pambili ng Sting sa mga boy na kilala niya. Bigyan mo yung iba ha.
Sa totoo lang, sa lagay ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas, naiintindihan ko kung bakit marami na sa atin ang sumusuko rito. Pero ang mga ganitong pagsakay ay humahantong pa rin sa pananalig ko sa kakayahan nating lahat na gumawa ng kabutihan at maging mabuti't mapagkalinga sa isa't-isa sa gitna ng karalitaan sa lipunang mabangis.