Hindi ko Masabi

Hindi ko masabi kung mangyayari ba lahat ng sinulat namin ni Lea kahapon at noong isang araw na planong gagawin sa taong ito. Masyadong mahaba ang isang taon kapag nagsisimula pa lang ito. Hindi ko rin masabi kug bakit nga ba natin minsan sinusubukang isulat ang gagawin—parang inuukit sa balat ng mundo ang mga pangarap na baka hindi rin matupad. Bakit hindi na lang natin hayaang mangyari sa atin ang buhay, mangyari ang mga bagay na hindi natin hinihiling? Hindi pa ba sapat ang basta humihinga tayo?

Mahirap dumukot ng sagot sa mga tanong na ito. Mahirap magsalita ng tapos. Pero isa lang ang sigurado ako—isinusulat man o hindi ang mga minimithi, nangangarap man o nagpapatangay lamang tayo sa agos ng mundo, sa bawat umagang pinipili nating gumising, may dakilang pahing ng librong sinusulatan ng bawat salita, bawat kilos, bawat adhikaing ipinagkaloob sa atin.