Kapag Nawala Ako
Saan ako pupulutin?
Saan ako hahanapin?
Kundi sa pag-upo
Sa pagtigil
Sa pagpapatiwakal ng kanina
At muling pagkabuhay ng ngayon
Alin sa mga bundok na ito ang katuluyan ng hamog?
Saan nagtatapos ang hamog at nagsisimula ang ulap?
Kung sakali
Samahan mo akong mamingwit
Sa kanal na ito
Piitan ng sandali
Ang dumadaloy ditong tubig
At sa gitna ng bukid na iginapos ng mga damo
Kung saan nagniniig ang tulirong hangin
At piyok ng lawin sa itaas
Dito mo ako hanapin
Kapag nawala ako
Kapag nawala tayo
Kapag nawala tayo ng mundo.