Kapayapaan, Dakilang Buhay

Simple at maikli ang proseso subalit tinutuhog nito ang ilang masalimuot na bahagi ng aking kasalukuyang spiritualidad.

Una, bagaman mas anyong mantrang inuulit ang hingalangin, ang framing nito ay panalangin pa rin dahil may hinihingi at may pinaghihingian (may biglang dumaloy: hingi-hinga).

Noong parte pa ako ng isang evangelical group, araw-gabi ang panalangin ko. Ang haba at laman ng panalangin ng isa ay marka ng maturity ng isa na siya namang magquaqualify sa isa—lalo na kapag katulad kong lalake—sa mga katungkulan sa loob ng simbahan.

Kasabay ng pagkalas ko sa relihiyong iyon ay ang pagtigil kong manalangin. Dahil hindi na rin ako naniniwalang may malaking personang iniinugan ng lahat sa gitna ng sansinukob. Dahil matagal ko na ring hindi ginagawa ito. Dayuhan na ako sa teritoryong ito.

Dayuhan ako dahil mas pinahahalagahan ko na ngayon ang pakikinig kaysa ang paghingi. Sa ilang alternatibong kontemplatibong tradisyon tulad ng mga Unitarian sa Czechoslovakia at Japan, ang panalangin ay hindi paghingi kundi pakikinig o pagmamatiyag sa Dakilang Buhay.

Hiniram ko sa kanila ang terminong Dakilang Buhay o Great Life sa aking panalangin at nilagay ang kapayapaan sa simula. Hindi upang hingiin ito sa Dakilang Buhay kundi upang pagmasdan ito at hayaang kumilos ayon sa nais nito.

Nagsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ko kailangan ang kapayapaan. Marahil kaya ito ang salitang dumating sa akin ay dahil ito ang kailangan ko ngayon.

Subalit mas komportable ako sa hinuha na pinagmamasdan, pinakikinggan, at sinusuri ko lamang ang kapayapaan habang humihinga ng malalim kanina. Dumating man ito o hindi, nagawa ko ang tungkulin ko.