Kung Bakit Lumilipat ang mga Makata sa Elbi

Lumilipat ang mga makata sa Elbi
dahil madalas doon sa kaniyang mga parang
sa gitna ng kaniyang naglalakihang mga puno
kapag ganap ang kabilugan ng buwan
naroon ang mga taludtod
sumasayaw paikot sa mga saknong
na hugis tanaga, minsa’y haiku, madalas malaya.

May ilan ring nagkakamabutihan
palihim na lumilisan
dalawahang magsasarili
sa gilid ng mababatong sapa ng Molawin
sa likod ng mga dao
nagnanakawan ng mga halik
bago may makakita
kunwaring mag-iilagan
subalit mga pisngi'y pulang-pula na.

Paminsan-minsan
may bigla na lang maglalakad ng marahan
paalis sa bilog
sasayaw sa himig na siya lamang ang nakaririnig
at aawit
sa wikang siya lamang ang nakaiintindi
nakapikit ang mga mata
umiindak ng banayad.

Naroon silang lahat
sa damuhan
lumilitaw sa sinumang bukas
at handang maghintay
sa sinumang nanlulumo o natatakot
o nagsawa na sa init, at ingay, at usok.

At kapag madadala ka sa tamis ng himig
at sa halina ng mga kataga
makalilimutan mong magingat
sa panonood sa kanila
may makaririnig sa kaluskos ng mga dahong
gawa ng iyong mga paa
at baka
baka lang
mapalingon silang lahat sa'yo
nakangiting magsasabi

“Sandali lang.”


Sent to Mountain Beacon.