Morning Bike Ride
Pinupunit ng dugo ang umaga.
Sa tapat ng dambuhalang gate
na kupas na ang pintura
may santa cruzan
ng naninilaw na laman.
Kinagat ng sprocket ang kadenang
nakapulupot na sa nangingitim
na leeg.
Ayaw nang umandar ng orasan.
(Kapag oras mo na, oras mo na.)
Sa himpapawid, nagkakarera
ang mga sumakabilambuhay
habang pinalilibutan ka ng mga
usyosong nagtatanong
kung may mukha ka pa bang naiwan.
Babae. May katabaan.
Nakagapos ang mga kamay
sa likuran.
Sa susunod na liko
ibababa ng armadong lalakeng
nakakubli ang mukha
mula ilong pababa
ang harang na lubid.
Pararaanin nila ak ngayon.
Pero hindi ako sigurado bukas.