Pananahimik
Sa ngayon, pinili kong hindi muna kausapin ang tatay ko. Ito ata ang unang pagkakataong ginawa ko ito. Mahirap. Nagpa-practice ako ng Budismo pero tila lumalayo ako sa turo nito. Hindi ata pag-ibig ang pananahamik. Subalit nakadalawang beses akong nagpadala ng mensahe sa kaniya—mga mensaheng hindi madaling isulat. At ni isang tugon sa mga ito, wala akong natanggap. Sa paghihintay ng tugon niya, naalala kong hindi lamang ito ang unang pagkakataong hindi niya ako pinansin o sinagot. Hindi ito ang unang pagkakataong pinaramdam niya sa aking mali at masama ako dahi humihingi ako ng sagot. Lumaki ako sa tahanang madalas tahimik, kaya malikot ang isip ko. Pero kaya rin nagnanasa ako parati ng katahimikan. Bumubukadkad lamang sa katahimikan. Mabilis magising sa kaloskos at mahirap bumalik sa tulog. Kaya rin siguro naramdaman ko dating sa mga pipi at bingi lamang na naguusap-usap pasenyas ang tunay na tahanan. Kaya siguro malakas ang hatak sa akin ng pagsusulat, potograpiya, paglalakad, at pagninilay. Dahil buong buhay ko, tikom ang bibig ng tahanang pinanggalingan ko.
Marahil, tama lang na umiibig ako paminsan-minsan, tumutugon paminsan-minsan, gaano man kahirap, sa pamamagitan ng katahimikan. Hindi ko muna kakausapin ang tatay ko.