Pure Land
Kanina
sa estasyon ng jeep
mahaba ang pila
ng mga uuwi
sa Semana Santa.[1]
Ngayon
habang nakadungaw
sa bintana
rinig na rinig ko ang pag-awit
ng Imam sa moske.[2]
Mamaya
paglabas ko sa pinto
muli akong babatiin
ng nakaputing salawal
na kapitbahay kong Mormon.
At bukas
malamang makatatanggap ako
ng Bible verse mula sa kung sinong
kamaganak na hihiling sa'king
manumbalik na sa Panginoon.
Lahat sila'y pauwi
sa langit o sa paraiso
habang ako'y nandito
niyayakap ng sahig
tinititigan ng kisame
Dito kung saan
hindi kailangang umalis
hindi kailangang bumalik.
Salin: