Sa Batis na Ito ng Molawin

Sa batis na ito ng Molawin
natatapos ang lahat ng teolohiya,
nalulunod ang boses ng sinumang pilisopong magtatangkang magbukas ng kaniyang bibig,
naglalaho ang lahat ng palalong paninindigan.

Dito walang mabuti o masama,
walang sagrado o pusong,
walang kabaitan o panlalamang.
Lusaw na pakete ng ? ang lahat ng panghuhusga.

Dadalhin kita rito hindi dahil mahal kita,
hindi dahil gusto kitang kitlin,
hindi dahil nais kitang magbago.
Dadalhin kita dito dahil ito ang iyong pinanggalingan, ang iyong binulwakan, at marahil ang huling
babalungan.

Ang batis na ito ng Molawin
ang tatangay sa lahat ng iyong kasuotan,
wawasak sa lahat ng iyong init,
hanggang ang maiwan na lamang
ay ang pagtindig ng iyong balahibo
sa banayad na ihip ng nagpipigil na hangin.