Stockroom

Umiiyak kang dumating ng bahay  
no'ng gabing 'yon.  
Tinanong kita kung bakit
pero hindi mo 'ko sinagot.
Walang nakahain sa hapag kinaumagahan  
ni tinapay o kape  
at nakatalukbong sa'yo ang kumot  
nang iniwan kita.
 
Namimintog pa rin ang mga mata mo  
nang nakapagipon ka ng lakas
at ipinagtapat sa aking  
hindi ka na uli papasok.  
Hinipuan ka niya habang  
nagbabalik ng sapatos  
na kasusukat lang ng kostumer.

Masikip raw ang trenta'y siyete  
sabi ng panganay mo.  
Nahuli kong magisang kumuyom  
ang kanang palad ko  
nang inabot niya sa saleslady  
ang nakapinid na kahon.