Tilas
Tilas ako ngayon!
Panahon ng mga tanong
at pagaalinglangan.
Panahon ng mga gabi ng balisa.
Panahon ng pakikipagusap
sa mga nagmamahal.
Balot ng malagkit
na bulak ng takot
ipipikit ko ang aking mga mata
habang nagniniig
ang noo at tuhod.
Mananatili akong ganito
hanggang lumaki nang lumaki
hanggang mabiyak
lumadlad
lumawak
lumipad
patungo sa pamumulaklak
ng liwanag.