Tuwalyang Hindi Pa Nalalabhan
Paalam inay
Aalis na po ako
Maingay kasi rito
Magulo
Magpapakalayo-layo na muna po ako
May trabaho naman sa Maynila
Baka sakaling may pagasa
Di ako sanay mawalay sa iyo
Pero aalis na muna po ako
Inay
Bukas maaga akong gigising
Pero wala nang masarap na ulam sa hapag
Wala pang sinaing
Magpapainit ng panligong
Ako rin ang magbubuhos
Pagtiya-tiyagaan ang kapeng
Ako rin ang nagtimpla
Ipagpupunas ang tuwalyang
Hindi pa nalalabhan
Pagka’t wala ka na inay
Malayo na ako sa’yo
Maingay kasi riyan
Magulo
Magpapakalayo-layo na muna po ako
Naisulat noong 2018-01-02.