Kami Lang Ang Maliligtas

Ganito dumadaloy ang banal na espiritu—
mamimili lamang ng iisang grupo
minsan iisang bansa o iisang lahi
parang ambong bubuhos lang dito
pero hindi kailan man bubuhos diyan.

Lalake lang ang pinuputungan
dapat nakapag-aral, dapat malaman ang kaha,
di madapuang langaw, magaling magsalita,
—pero higit sa lahat malaki ang tiyan.
("Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong
lubos na kinalulugdan.")

At kapag nagningas na ang mga dilang
kawangis ng apoy, yumuko,
halikan ang dulo ng kanilang mga baril,
bumukaka— at damhin ang init
ng dahan-dahang pagpasok
nitong mabuting balita.