OC OC
Masinsinang maghugas ng kamay;
nahawakan mo na ang tatangnan—
'yon ay kung gusto mo pang mabuhay.
Kalimutan mo na ang sinampay;
bukas na kunin nang maiwasan
masinsinang maghugas ng kamay.
'Di mapakali at nalulumbay,
pero please, ang pinto 'wag bubuksan—
'yon ay kung gusto mo pang mabuhay.
Balot ng mikrobyo buong bahay,
kaya nga talagang kailangan
masinsinang maghugas ng kamay.
At bago ka sa katre'y humimlay,
paliguan muna ang katawan—
'yon ay kung gusto mo pang mabuhay.
Sa sabon at tubig ka masanay;
mabuti nang 'di magkahawaan.
Masinsinang maghugas ng kamay—
'yon ay kung gusto mo pang mabuhay.