Sa E-konek Bago Mag Ala Una
Sa lagpas-taong Culvert ng Prontera, magkasama naming pinagpapalo ang mga dambuhalang ipis. Siya gamit ang maso. Ako gamit ang espada. Sa kaniyang palda, tumitilamsik ang berdeng dugong humuhulas mula sa napipitpit na tiyan ng halimaw. Hindi niya napapansin, pero kanina ko pa pinagmamasdan ang talas ng kaniyang mga titig, ang ugoy ng nakalugay niyang pulang buhok, ang tikas ng kaniyang makapangyarihang mga braso. Habang dahan-dahang nangingisay ang isinumpang kulisap, sinimulan kong idibuho sa aking haraya ang mga susunod na mangyayari: sabay kaming aangat ang antas, sabay naming susuungin ang kweba sa isla ng Byalan, magkasama naming uubusin ang lahi ng mga shokoy sa kailaliman ng dagat, at kalaunan, kapag tuluyan niyang mapagtantong walang ibang eskrimador ang iibig sa kaniya nang tulad ko, sasang-ayon siya sa alok kong kasal.
Ginuguniguni ko ang kislap ng diamanteng singsing sa kaniyang daliri nang dahan-dahang lumakas ang hiyawan sa aking likuran. Kinakalabit ako ng estudyanteng susunod na raw sa akin sa upuan.