Tagahawi
Ako ay tagapigil ng ulan
tagapigil ng unos
tagapigil ng luhang lulunod
sa atin kung hindi aagos.
Ako ay tagabilad ng mga hinanakit
tagasuyo sa nagaalburotong hangin
tagahawak ng naglalahong mga pakay
sa lupang naglalaho na rin.
Ako ay tagabuwal ng mga alituntunin
tagakayod ng kopra ng mga kasalanan
tagahiwa ng tinapay na paghahatian
tagakanaw ng lumamig na kape.
Ako ay taganguya ng sandali
tagalunok ng namamayapang ngayon
tagaigib ng tulo sa kisame
tagahawi, tagahawi ng kasukalan.