Wala Ako Sa Listahan

Kaliskis na ulap ang bumabalot sakin ngayong gabi kalakip ng lambong kong mga dahon ng walang bungang rambutan. Bitbit ang regalong nakapinid sa kahon at nakasuksok sa loob ng pulang supot, sinalubong ako ng magkasintahan. Dinaanan ng hindi namalayang ginoo mula sa aking likuran. Kasama kong nagbibilang ng katahimikan ang mga kuliglig na hindi natitinag ng silaw ng parating na mga sasakyan. Ako ang tulay na naglalakad sa ilalim ng Molawin. Ang mga dahon ng baging na unang natutuyot at nahuhulog. Ang patay na kawad ng kuryenteng iniwang nakalaylay sa pasukan ng simbahan. Ang sampayan ng tarpauling naghihintay sa susunod na lalamayan. Iginugulong ako ng naglalahong ihip ng hangin patungo sa gitna ng kalsadang panandaliang himpilan ng asong nasagasaan.