Uson
Pinipigilan ng Mayon ang muli nating pagkikita
may pagkakataon sanang
makabalik sa Cagsawa
sa Lignon Hill
sa pier sa Legazpi
mga lugar na matagal ko nang iniiwasan
subalit
ibinibuga ngayon ng bulkan
ang lahat ng aking pagaalinlangan
ang lahat ng aking mga panghihinayang
Pinanghihinaan pa rin ako ng loob
tulad ng una kong byahe sa bus
patungo sayo
sa bisperas ng Penafrancia
noong umaasa akong
matagpuan ang bagong buhay
sa iyong mukha
sa iyong mga yakap
hinding hindi inakala
na babalik rin tayo
sa pagiging hindi magkakilala.