Gabing Inipit Ko Ang Mga Daliri Ni Mama Sa Pinto
Buhos ang kadiliman sa mga gabing iyon
pagkabalisa, hindi pagkakatulog
palaboy ang isip ko sa mga kalsada ng kisame
pasikot-sikot sa buhol-buhol na mga eskinita
ng ngayon, bukas, kahapon.
Ngumunguyngoy akong pumasok sa kwarto.
Hinubad ang kurbata't medyas
at sinisid ang kama ng kalungkutan.
"Bakit mo ako pinarurusahan, Ama,
samantalang ilang beses mo na akong hinamak?
Hindi ko na makita ang pagkakaiba
ng kasalanan at kahibangan!"
Kumatok ka.
("Anak ko...")
Sinilip mo ako subalit hindi ka pumasok.
("Anak ko...")
Ipinagkatiwala mo ang mga daliri mo
sa pinto ng impyerno.
"Anak ko..."
Subalit wala nang kahulughan
ang salitang iyan.
Walang nagluwal sa akin.
Ipa lamang akong tinatangay ng hangin.
Ngayon nandito, bukas wala na.
Dahas ang pangalan ko.
Kaya tumayo ako
at itinulak
ang pintong tumama
umipit
sa kuko
sa laman
sa buto
sa pag-ibig mo
na namamagitan
sa iyo
at sa akin
at sa bukang-liwayway
na hindi pa namimitak.