Sepulturero
Siya ang uod na kakainin ng maagang ibong. Ang ilaw na gigising sa naalimpungatang tandang.
Isang oras bago alas tres, bukas na dapat ang dalawang monitor at umuugong na ang CPU na hehele sa inaantok pa niyang diwa. Hindi na siya naghuhugas ng mukha. Wala namang makakakita. Hindi na rin siya nagsisipilyo. Wala namang makaaamoy. Hindi na rin umiinom ng tubig o kape nang magising. Uulanin naman siya ng mga mura. Sapat na iyon para magising siya.
Hindi nakakagutom ang trabahong ito. Sa katunayan, kapag natapos ang trabaho niya ng alas dose, tsaka lamang siya kakain. Sa gitna ng mga tanong, o minsan sa gitna mismo ng mga salitang banyaga, tuwing tumatalon siya mula sa luhang ito patungo sa susunod, nakikita niya ang sariling dinaluyan ng matamis na matamis na himig.
Karagatan ng salapi. Doon, pinipilit niyang isiping nalulunod siya dahan-dahan hanggang tuluyan na siyang maglaho at wala ninuman ang makakaalala sa kaniya.