Pinabayaan Mo Ang Tabernakulo sa Silo

Ngayon
sa gitna ng mga tambak na yerong
kinalawang ng mga hindi nakarating na luha
at tablang inanay ng pagdududa
nandito ako
nakabuklat sa libro ng mga salmo
hinihipan ng humihikbing hangin ng bukid
nakatingala sa langit kung saan
nilikha natin ang mga diyos
habang ipinagdadalamhati ko
ang mga pahinang pinunit
ng nanlamig mong pananampalataya
ng pagandap
ng dating nagbabaga mong pagibig
na inakala mong walang-hangganan.

Pagkatapos nilang lansagin
ang tabernakulo ng iyong pagkabata
yayakapin ko ang apoy ng pahimakas
at lilipad kasama ng lahat ng uusok.

Ako ang huli mong handog
sa mapanibughuing bathala.